Thursday, May 5, 2016

PiliPinas 2016

Malapit na ang eleksyon sa Mayo anuwebe at kabi-kabilang mga patutsada ang lumalabas sa kabi-kabilang mga kampo. Nakakalungkot isipin na kailangan pang humantong sa batuhan ng putik ang mga kandidato. Ayokong isipin na ang mga ginagawang ito ay para hilahin pababa ang isang kandidatong nasa itaas. Ika nga nila, "Ang punong mabunga ay palaging binabato". Ngunit hindi ito maitatanggi ng sentido kumon ng kahit sinong Pilipino.

Noong si Vice President Binay pa ang nangunguna sa mga survey noong nakaraang taon, kaliwa't kanan ang banat ng ating Pangulong Noynoy sa kanya. Nang si Grace Poe naman ang umeksena at pumalit sa posisyon ni Vice President Binay bilang numero uno sa mga survey, walang tigil ang dating ng kaso laban sa kanyang kwestiyonableng pagkamamamayan. Umabot na sa taong kasalukuyan ang isyung ito hanggang sa naging pinal na ang desisyon ng Korte Suprema at ang karamihan at tumahimik na ng bahagya.

Dumating ang panahon ng kampanya noong Pebrero anuwebe at nagsimula nang magbago ang lahat. Unti-unti ay umangat ng umangat ang rating ni Mayor Duterte sa mga survey hanggang sa ito na ang nangunguna sa kalagitnaan ng init ng kampanya. Kahit anong survey ang lumabas ay siya pa rin ang nangunguna. Dahil dito, at sa inaasahan na rin ng lahat, kanya-kanyang banat at paninira na ng kanyang mga katunggali ang ibinabato sa kanya.

Ang mga ito ay hindi lang nangyayari sa radyo at telebisyon kundi pati na rin sa mga social media partikular na ang Facebook. Patuloy ang pagpapaskil ng mga artikulo laban sa isang kandidato na noon naman ay tahimik lamang na nangangampanya para sa kanilang sinusuportahang kandidato. Hindi po ako nagmamalinis dahil ako man ay minsan na ring nagpaskil ng mga ganitong bagay sa ilang kadahilanan ngunit sa katagalan ay binubura ko rin ang mga ito matapos pagnilayan kung tama ba ang ginawa kong iyon. Minsan na rin akong nagkumento sa mga post sa Facebook ng ilan sa aking mga kaibigan sa hindi mapigilang pagkadismaya. Ito ay lumalabas lang sa aking news feed kaya ako ay nagpalagay na ayos lang magkumento dahil alam naman ng lahat ng gumagamit ng Facebook na ang mga ipinapaskil dito ay lumalabas sa publiko o sa mga kaibigan niya dito.

Bago po tayo magpaskil ng kung ano-ano ay siguraduhin muna natin na ito ay totoo at hindi mga haka-haka lamang dahil marami po ang posibleng maging kahinatnan ng mga ito lalo na ang makapanakit ng damdamin ng iba. Atin din pong tiyakin na tayo mismo ay malinis mula loob hanggang labas bago tayo magsabi ng mga masasamang bagay tungkol sa mga kandidato. Tandaan, mga normal na tao lang din po sila tulad natin.

Naiintindihan ko na ang layunin ng ilan ay ipakita ang mga negatibo sa ilang kandidato nang sa gayon ay mas lalo pang makapamili ng wasto ang mga botante. Ngunit dapat din nating tandaan na walang perpektong tao at sa tingin ko ay mas maganda kung ang pagbabalingan natin ng natin ay ang mga magagandang layunin ng mga kandidato para sa bansa.

Kasama ng aking pagrespeto sa kalayaan ng sinuman na magpahayag ng kanilang gusto o saloobin sa kahit anong uri ng social media platform, narito po ang aking ilang mga katanungan:

Hindi po ba ang panahon ng kampanya ay pagpapakita ng plataporma ng mga kandidato para sa ikagiginhawa ng buhay nating mga Pilipino?

Bakit ngayon ang kampanya ay tila baga panahon ng hilahan ng mga taong nasa itaas?

Ganito na po ba tayo kadesperado para lang mailuklok ang ating sinusuportahang kandidato?

Bakit hindi na lang natin pagsikapan na iangat ang sarili nating kandidato sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga magagandang bagay tungkol sa kanila?

Malapit nang dumating ang araw ng eleksyon. Medyo huli na kung titingnan ang mga pahayag na ito ngunit ito naman ay naaayon lamang sa panahon. Pero ako ay naniniwala na hindi pa huli ang lahat para sa ating bansa. Ang ikauunlad ng ating Inang Bayan ay nakasalalay mismo sa ating mga kamay ngunit ating tandaan na napakalaki ang gagampanan ng isang lider para dito.

Nawa'y maliwanagan tayong lahat at bigyang gabay ng ating Poong Maykapal sa tamang pagpili ng ating magiging lider sa susunod na tatlo at anim na taon.

Saturday, May 10, 2014

Pers Yir!

Kay bilis lumipas ng isang taon. Eto na naman ako ngayon, naghihintay ng pasukan. Pero ayoko pa, ang sarap kaya matulog ng walang alarm clock. Hindi katulad noong may pasok pa, isang ring lang gising na agad ako at parang gusto ko ihagis yung cellphone ko. Parehong ringtone ang ginagamit ko kapag nagaalarm ako tulad kapag may iniinit akong tubig. Kapag tumutunog na (tikitingkitingkitingkiting!!), kinakabahan ako. Naiisip ko na "shet, gigising na naman". Pero syempre hindi nag-iinit nga ko ng tubig eh.

Mag-iisang taon na mula noong LOAD namin (orientation ito para sa mga incoming 1st year medical
Batch 2017 LOAD Mr. and Ms. Hunger Games
students). Iisang tao lang ang kilala ko sa V-Hall sa orientation, si Ian, lower batch ko noong undergrad. Tapos hindi pa kami magkagroup sa mga aktibidad kaya nagkandaloko-loko na. Madali pa naman akong makaramdam ng pagiging awkward. Sa kabila ng lahat, excited pa rin ako dahil sigurado may makikilala na naman akong bagong tropa. Iyon ang isang dahilan kaya gustung-gusto ko na magpasukan. Malaking tulong ang naging orientation dahil kahit papaano nagkaroon ako ng 5-10 batchmate na kabatian sa ikalawang araw.


Hindi ko alam kung paano ko naitawid ang unang taon ko sa medical school na walang binabagsak na subject. Mahirap kasi talaga. Mahirap kasi sobrang dami. Kung isang topic lang bawat exam, madali siya. Kaya lang kung ganito ang kalakaran, aabutin ng 10-15 taon ang pag-aaral. Kailangan sa unang 3 buwan ng pasukan makapagtatag ka na ng magandang "study habit". Siguro nga dapat sa unang buwan pa lang kasi ilang exams na ang agad na madaraanan mo. Ako kasi bandang January na ako makakapagsabing "well-adjusted" na ako sa 1st year. Marami kasi akong inaatupag noong mga unang buwan lalo na noong June. Kakayanin naman makakuha ng magandang grado subalit kailangang iisantabi ang mga gala kapag weekends. Hindi ko yata kaya yung ganun dahil halos bawat weekends ay may nagyayaya ng gala.

Tandaan, hindi lang para sa mga matatalino ang medical school gaya ng sinasabi ng karamihan sa atin. Maraming alam ang mga doktor dahil maraming inaaral na dapat lang naman dahil buhay ang kanilang hinahawakan. Hindi naman ako ganun kagaling pero nakatapos ako ng 1st year. Para sa akin may 3 bagay na dapat meron ka para maging isang doktor. SAKRIPISYO, DISKARTE, TIBAY NG LOOB.

SAKRIPISYO

Studying outside for GI Gross Exam using
an emergency light because it's brownout!!
Ang ibig sabihin ng sakripisyo sa mga talatinigan ay isang pagaalay ng hayop sa Diyos. Meron pang isa, ito ang pagsuko sa isang bagay na gusto mong itago para makuha o gawin ang isang bagay o para matulungan ang isang tao. Kahit marami akong napupuntahang gala tuwing weekends noong may pasok pa, siguro may kalahati yung mga natanggihan ko dahil may exam sa darating na linggo. Kahit lakad ng pamilya matatanggihan mo kasi gusto mong pumasa. Hindi lang para pumasa, kundi para matuto. Oras ang pinakamalaking sakripisyo sa pagpasok sa medical school.


DISKARTE
Katulad ng sabi ko kanina, hindi kailangang matalino para maging doktor. Kailangan makabuo ka ng diskarte kapag nahihirapan ka sa pag-aaral. Katulad ng pagpapaturo sa mga classmate mo na gamay ang isang topic. Ang pag-attend sa mga peer-mediated review ay napakalaking tulong. Kung nahihirapan ka sa libro, huwag pilitin. Malaking bagay din ang pagtantiya kung may natututunan ka ba sa binabasa mo o kailangan mo na ng tulog.

TIBAY NG LOOB
Higit sa lahat, kailangan meron ka nito. Kung matalino ka noong undergrad. mo, pwes, ibahin mo ang medical school. Kung ang college mo ay para kang naglalakad sa Luneta, dito para kang tumatawid sa expressway. Halimbawa, gumising ka ng 7:00am ng Lunes at may exam ka ng Martes. Papasok ka sa school mula 8am hanggang 5pm. Pagdating ng 6pm, mag-aaral ka na hanggang 7am ng Martes at maghahanda na para pumasok at magexam. Lagpas 24 oras ka nang gising para lang sa exam na iyon, pero bagsak ka pa rin. Pwedeng dahil sa puyat, gutom, kaba, o mas malubha, ay kulang pa. May mga pagkakataon na maiiyak ka talaga dahil ginawa mo na lahat ng makakaya mo. Normal na ang pagbagsak sa mga exams sa medical school at hindi yun dahilan para sumuko. Matuto ka sa mga pagkakamali mo. Baka kailangan mo lang humanap ng ibang Diskarte o magdagdag ng Sakripisyo.

1st year pa lang ito. Kami ng mga batchmates ko ay 2nd year na sa pasukan, at sinasabi nilang ito ang pinakamahirap na taon mula 1st-3rd yr. Dahil kung ang subject mo sa 1 araw noong 1st year ka ay 1 o 2, dito ay 4. Mahirap talaga, pero ginusto natin 'to dahil gusto nating makatulong sa mga nangangailangan pagdating ng araw. Sabi nga ni Dr. Kent Ermita, "Walang doktor na hindi nahirapan dati gaya ninyo ngayon."