Saturday, May 10, 2014

Pers Yir!

Kay bilis lumipas ng isang taon. Eto na naman ako ngayon, naghihintay ng pasukan. Pero ayoko pa, ang sarap kaya matulog ng walang alarm clock. Hindi katulad noong may pasok pa, isang ring lang gising na agad ako at parang gusto ko ihagis yung cellphone ko. Parehong ringtone ang ginagamit ko kapag nagaalarm ako tulad kapag may iniinit akong tubig. Kapag tumutunog na (tikitingkitingkitingkiting!!), kinakabahan ako. Naiisip ko na "shet, gigising na naman". Pero syempre hindi nag-iinit nga ko ng tubig eh.

Mag-iisang taon na mula noong LOAD namin (orientation ito para sa mga incoming 1st year medical
Batch 2017 LOAD Mr. and Ms. Hunger Games
students). Iisang tao lang ang kilala ko sa V-Hall sa orientation, si Ian, lower batch ko noong undergrad. Tapos hindi pa kami magkagroup sa mga aktibidad kaya nagkandaloko-loko na. Madali pa naman akong makaramdam ng pagiging awkward. Sa kabila ng lahat, excited pa rin ako dahil sigurado may makikilala na naman akong bagong tropa. Iyon ang isang dahilan kaya gustung-gusto ko na magpasukan. Malaking tulong ang naging orientation dahil kahit papaano nagkaroon ako ng 5-10 batchmate na kabatian sa ikalawang araw.


Hindi ko alam kung paano ko naitawid ang unang taon ko sa medical school na walang binabagsak na subject. Mahirap kasi talaga. Mahirap kasi sobrang dami. Kung isang topic lang bawat exam, madali siya. Kaya lang kung ganito ang kalakaran, aabutin ng 10-15 taon ang pag-aaral. Kailangan sa unang 3 buwan ng pasukan makapagtatag ka na ng magandang "study habit". Siguro nga dapat sa unang buwan pa lang kasi ilang exams na ang agad na madaraanan mo. Ako kasi bandang January na ako makakapagsabing "well-adjusted" na ako sa 1st year. Marami kasi akong inaatupag noong mga unang buwan lalo na noong June. Kakayanin naman makakuha ng magandang grado subalit kailangang iisantabi ang mga gala kapag weekends. Hindi ko yata kaya yung ganun dahil halos bawat weekends ay may nagyayaya ng gala.

Tandaan, hindi lang para sa mga matatalino ang medical school gaya ng sinasabi ng karamihan sa atin. Maraming alam ang mga doktor dahil maraming inaaral na dapat lang naman dahil buhay ang kanilang hinahawakan. Hindi naman ako ganun kagaling pero nakatapos ako ng 1st year. Para sa akin may 3 bagay na dapat meron ka para maging isang doktor. SAKRIPISYO, DISKARTE, TIBAY NG LOOB.

SAKRIPISYO

Studying outside for GI Gross Exam using
an emergency light because it's brownout!!
Ang ibig sabihin ng sakripisyo sa mga talatinigan ay isang pagaalay ng hayop sa Diyos. Meron pang isa, ito ang pagsuko sa isang bagay na gusto mong itago para makuha o gawin ang isang bagay o para matulungan ang isang tao. Kahit marami akong napupuntahang gala tuwing weekends noong may pasok pa, siguro may kalahati yung mga natanggihan ko dahil may exam sa darating na linggo. Kahit lakad ng pamilya matatanggihan mo kasi gusto mong pumasa. Hindi lang para pumasa, kundi para matuto. Oras ang pinakamalaking sakripisyo sa pagpasok sa medical school.


DISKARTE
Katulad ng sabi ko kanina, hindi kailangang matalino para maging doktor. Kailangan makabuo ka ng diskarte kapag nahihirapan ka sa pag-aaral. Katulad ng pagpapaturo sa mga classmate mo na gamay ang isang topic. Ang pag-attend sa mga peer-mediated review ay napakalaking tulong. Kung nahihirapan ka sa libro, huwag pilitin. Malaking bagay din ang pagtantiya kung may natututunan ka ba sa binabasa mo o kailangan mo na ng tulog.

TIBAY NG LOOB
Higit sa lahat, kailangan meron ka nito. Kung matalino ka noong undergrad. mo, pwes, ibahin mo ang medical school. Kung ang college mo ay para kang naglalakad sa Luneta, dito para kang tumatawid sa expressway. Halimbawa, gumising ka ng 7:00am ng Lunes at may exam ka ng Martes. Papasok ka sa school mula 8am hanggang 5pm. Pagdating ng 6pm, mag-aaral ka na hanggang 7am ng Martes at maghahanda na para pumasok at magexam. Lagpas 24 oras ka nang gising para lang sa exam na iyon, pero bagsak ka pa rin. Pwedeng dahil sa puyat, gutom, kaba, o mas malubha, ay kulang pa. May mga pagkakataon na maiiyak ka talaga dahil ginawa mo na lahat ng makakaya mo. Normal na ang pagbagsak sa mga exams sa medical school at hindi yun dahilan para sumuko. Matuto ka sa mga pagkakamali mo. Baka kailangan mo lang humanap ng ibang Diskarte o magdagdag ng Sakripisyo.

1st year pa lang ito. Kami ng mga batchmates ko ay 2nd year na sa pasukan, at sinasabi nilang ito ang pinakamahirap na taon mula 1st-3rd yr. Dahil kung ang subject mo sa 1 araw noong 1st year ka ay 1 o 2, dito ay 4. Mahirap talaga, pero ginusto natin 'to dahil gusto nating makatulong sa mga nangangailangan pagdating ng araw. Sabi nga ni Dr. Kent Ermita, "Walang doktor na hindi nahirapan dati gaya ninyo ngayon."

Monday, April 22, 2013

Bakit Medisina?

Naisipan kong isulat ang blog na ito dahil kanina lamang ay nagkausap kami ng aking nanay.
"Anak, nakita ko yung naiwan mo dito sa computer. Yung limang valedictorian (ang tinutukoy niya ay si
 Ronibats na iniidolo ko). Gifted talaga." 
Sabi ko naman, "Nag-aral kasi silang maigi dahil nakita nila kung paano naghirap yung magulang nila." 
"Aba eh naghihirap din naman kami ni Papa mo" , sagot ng nanay ko. 
"Oo nga po, hintayin mo lang Ma at ipapakita ko din po sa inyo sa pasukan."

Alam ko na hindi madali yung mga huling salita na sinabi ko sa nanay ko. Basta ang alam ko ay mag-aaral ulit  ako sa darating na Hunyo upang tuparin ang mga pangarap ko na maging isang ganap na doktor.

Bakit nga ba Medisina?

Bata pa lang ako ay bukambibig ko na ang pangarap ko na maging doktor. Kapag tinatanong ako ng mga tiyahin ko kung ano ba ang gusto ko paglaki ko, ang sinasabi ko lagi ay "Gusto kong maging doktor!". Naalala ko, tatanungin pa nila ako, bakit naman doktor? Mayroon akong dalawang sagot dyan kahit noong maliit pa ako. Ang una ay para makapanggamot ng mga may sakit, at ang pangalawa ay kumita ng pera. Oo naman, sino ba naman ang hindi gustong kumita ng pera? Sa pagkakaalam ko, kapag napagtagumpayan mo ang kursong ito ay tiyak na hindi ka magugutom. Gusto kong kumita ng pera para sa pansarili kong gastusin at para na rin sa magiging pamilya ko. Okay na ko sa payak na pamumuhay. Isinantabi ko na yung mga pangarap kong malaking bahay na may swimming pool sa loob, magagarang kotse, wallet na doble doble (lol kanta yan ni gloc 9). Naiisip ko na nanggagamot ako ng mga maysakit at meron akong pamilya. Okay na ako doon. 

Bakit hindi na lang Nursing? Magpapagod ka pa ng humigit-kumulang 5 taon. Pwede ka naman makatulong sa mga may sakit at kumita ng mas malaki pang pera kapag tinuloy mo ang pagiging nars mo ah?

Oo alam ko. Pero gaya nga ng sinabi ko, isinantabi ko na yung pangarap kong marangyang pamumuhay. Pwede akong makatulong sa mga may sakit kapag nars ako pero iba pa rin talaga kapag ikaw na mismo ang nagbibigay ng lunas sa pasyente mo. Yung tipong ikaw ang nagrereseta ng gamot, nag-oopera, nagche-check up, at kung anu-ano pa. Hindi ko minamaliit ang mga nars natin. Malaki ang respeto ko sa kanila at alam kong hindi matatawaran ang mga sakripisyong ginagawa nila para lang mapangalagaan ang kanilang mga pasyente. Lalo na yung mga nasa ibang bansa na kumakayod maigi makapagpadala lang ng pera para sa kanilang mga anak na halos 10 taon na nilang hindi nakikita at magdadalawang beses nang aakyat sa entablado ng hindi man lang nila nasasabitan ng medalya. Ah basta, alam niyo na ang ibig kong sabihin.

Sa ngayon, alam kong medyo idealistic ang mga pangarap ko na makatulong sa kapwa kapag doktor na at kung anu-ano pa. Marami na akong nabasa na nagsasabing hindi mo talaga malalaman ang buhay ng isang doktor hanggang sa ikaw ay maging isa rin sa kanila. 

Basta, kahit anong interbyu pa yan, at tanungin ako kung bakit gusto ko maging doktor, ang isasagot ko lang ay, "Dahil gusto ko pong makatulong sa mga nangangailangan ng tulong medikal." Marami pa akong kakaining bigas para matupad ko 'tong mga ito. Mag-aaral ako ng mabuti sa darating na pasukan at alam ko na kakayanin ko ito. 5 taon mula ngayon, isa na akong doktor! Taga mo sa bato!