Monday, April 22, 2013

Teacher, Teacher!!

Ano ba ang isang guro? Kung kaya mong basahin ang mga nakasulat dito sa blog ko ay magpasalamat ka sa mga naging guro mo. Sila ang tumatayong pangalawang magulang natin. Bakit ba ako naging guro? Hindi ko din alam eh. Hindi ko alam kung paano ako napunta sa pagtuturo gayong alam ko naman na gusto kong maging doktor. Hindi kasi ako nakapasok sa medisina para sa taong pampanuruan 2012-2013 sa kadahilanang hindi ako natanggap sa PLM at ang iba pang mga kolehiyo ay hindi na tumatanggap ng aplikante dahil iyon ay katapusan na ng Abril! Pero tama na sa ka-bitteran ko sa PLM. Pero sa totoo lang, nasasaktan ako kapag napapadaan ako ng Intramuros at nakikita ko ang malaking arko papuntang PLM. Tama na nga eh, tama na.

Iniwan ko ang pagiging review coordinator ng MERGE dahil alam kong mas magiging sigurado ang trabaho ko sa pagiging guro kaysa makipagsapalaran sa pagaapplay sa mga call center dahil 5 beses na akong hindi tinatanggap. Kahit nga initial interview ay hindi ako natanggap. Ganun ba talaga ako kabobo mag-Ingles? Nagtatagalog ako ngayon kasi nahihirapan akong ipahayag ang sarili ko sa Ingles. Nahihirapan talaga ako promise haha! Ilang beses din akong kumonsulta sa mga kaibigan ko kung ano ang tatanggapin nila, maging guro o tapusin ang pagiging review coordinator? Sabi nila, "doon ka na sa sigurado, kapag tapos na ang board exam, saan ka ngayon? Nganga? Paano kung hindi ka matanggap sa call center? Nganga?" Kaya ayun. Kinuha ko ang oportunidad na maging guro. At minsan ko nang inisip na maging clinical instructor para makapagturo dahil gustong-gusto ko talaga magbahagi ng mga nalalaman ko. Kapag may mga mas mababang pangkat na gustong magpatulong sa'kin na may kinalaman sa nursing, aba sige go lang ako ng go kahit libre pa yan at kahit magdamagan pa yan. Ewan ko ba. Pero gustung-gusto ko talaga magturo. Lalo na kapag nagpapasalamat sila dahil mataas ang nakuha nilang marka sa kanilang case presentation dahil tinulungan ko daw sila. Nakakataba ng puso.

Nagsimula ang pagiging ganap na guro ko sa aking ikadalawampu't dalawang kaarawan. Oo. Bertdey konang magsimula ang pasukan. Hunyo 6, 2012. Naitalaga pa ako bilang gurong tagapayo. Ano naman ang
malay ko sa pagiging ADVISER? Wala nga akong alam sa kurikulum ng elementarya eh. Syempre, imbis na tanggihan ay niyakap ko na lang ang responsibilidad. At ayun nga, isa-isa nang nagdatingan ang mga naging anak ko sa loob ng 10 buwan kasama ang kanilang mga nanay, tatay, tito, tita, lolo, lola, yaya, at kung sino-sino pang kasama nila. Sinalubong ako ng mga tanong ng mga magulang:

  • Teacher bakit noong orientation babae daw ang adviser?
  • Teacher ano po ba ang notebook na gagamitin nila? Composition po ba o writing?
  • Teacher matanong ko lang, sino ba yang Feliciano Cabuco?
  • Teacher yung sa uniform po, saan po ba makukuha?
  • Teacher anong oras po uwian nila? Regular class po ba today?
  • Teacher anong oras po recess nila?
  • Teacher ano pong number ng mga subjects nila para sa notebook?
at marami pang iba! Halos masiraan ako ng bait sa mga tanong nila. Dalawang araw lang ang pagitan ng pagkakatanggap ko bilang guro at ng pagbubukas ng pasukan. Wala akong kaalam-alam sa mga tinatanong nila. Nakakawindang talaga. As in! Laging sagot ko sa kanila, "Ah sige po Mam/Sir, itatanong ko lang po tapos po babalik ako." Mga ilang ulit kong ginawa yun kasi talagang hindi ko alam ang sagot sa ilang tanong nila. Ang nasasagot ko lang ay ang oras ng kanilang recess, uwian, recess, uwian, yun lang! 

Nagkamali din ako ng pagpapakilala sa mga bata. Naging mabait ako. Naging komportable tuloy ang mga bata at naging maingay ang klase. Hindi ko naman magawang manindak dahil ang kanilang mga bantay ay nanonood sa malaking bintana ng silid. Sa gitna ng mga pangyayari sa unang araw ng pasukan, pumunta ako sa banyo ng aming faculty room, naghilamos, humarap sa salamin habang nakatuon ang aking dalawang kamay sa lababo at ito ang mga salitang namutawi sa aking mga labi, "Ano? Kaya mo pa?"

Lumipas ang unang araw ng pasukan na nag-iwan sa akin ng maraming katanungan at nagpamulat na din sa akin sa ilang katotohanan. Pero sa kabila ng lahat, nairaos ko ito at kumain ako ng SIOMAI habang pauwi bilang regalo sa aking sarili.


Sa ngayon siguro hindi ko pa nabigyang linaw kung ano talaga ang isang guro at kahit siguro ano pang paliwanag ang gawin ko ay hindi ko ito masasabi sa isang paliwanagan lamang. Marami pa akong ikukuwento tungkol sa mga karanasan ko bilang isang guro sa loob ng 10 buwan. At kapag natapos na ang mga kuwento ko ay kayo na ang bahalang humusga. 


Mahalin natin ang ating mga guro! Mabuhay!




4 comments:

  1. What a great experience:)
    We won't forget you Teacher Edward.

    ReplyDelete
    Replies
    1. Thank you Teacher Dana. I will treasure those wonderful memories forever :)

      Delete
  2. We are proud of you wong! Medyo na nosebleed ako dito ha. Ang lalim ng words. Haha

    ReplyDelete
    Replies
    1. Hahaha. Ako naman mas dudugo ilong ko kapag ingles ang ginamit. Thanks Trish.

      Delete